< Pagasa sa Dios, Hindi sa Kayamanan
(Enero 2012)
Ang kayamanan ay maaaring maging isang silo na umaakay sa isang taong banal sa landas ng kasalanan na kailan ma'y hindi niya inakalang kaniyang tatahakin; tingnan ninyo si Gedeon. Si Gedeon ay nagkaroon ng dakilang pananampalataya at nakagawa ng maraming bagay, nguni't nang matanggap niya ang lahat ng gintong hikaw ng mga Madianita, ay gumawa siya ng isang diosdiosan at pinasamba niya roon ang bayan. Sa kabilang dako, si Abraham ay totoong mayaman, ayon sa sukatan ng sinauna at ng kasalukuyang panahon, at siya'y tapat sa Dios. Si Job man ay totoong mayaman sa pasimula at sa wakas, at siya'y tapat sa Dios. Kaya't ang kayamanan ay hindi kinakailangang maglayo sa tao sa Dios, nguni't magagawa nito iyon kung hindi siya magiingat.
Sa Mga Kawikaan 30:7-9, si Agur ay dumadalangin sa Dios tungkol sa kayamanan at karalitaan: 1) na huwag siyang yumaman nang gayon na lamang upang siya'y tumalikod sa Dios, na nagsasabi kung ano pa ang kaniyang kailangan sa Dios, at 2) na huwag siyang dumukha nang gayon na lamang upang siya'y magnakaw at lapastanganin ang Dios. Gayon din naman, hindi natin ibig na tayo'y yumaman nang higit sa ating makakaya, at tayo'y tumalikod sa Dios. Hindi rin natin dapat naising mangyari ito sa ating mga minamahal.
Bagaman ang paggawa at ang panahon ay may malapit na kaugnayan sa salapi, ang mga ito'y ibang paksa na hindi tatalakayin dito. Narito ang talaan ng tatlong pu't limang paraan upang ating maparangalan ang Dios sa pamamagitan ng ating kayamanan. Maaalaala ninyo ang limang pangkat sa pamamagitan ng pariralang Ingles na “Hope In God, Not Wealth” (“Pagasa sa Dios, hindi sa Kayamanan”), na ang mga unang titik ay siyang mga titik na ipinangbibilang sa bawa't pangkat.
Mga Pusong Malaya sa Pagibig sa Salapi
Ang pagbibigay sa Dios at sa Kaniyang gawain ay mahalaga; datapuwa't kung ang pagpipilian ay ang magkaroon ng pusong nakatalaga sa Dios nguni't masuwayin sa pananalapi, o ang maging mapagbigay sa pananalapi nguni't may pusong malayo sa Dios, ay lalong mabuti ang magkaroon ng pusong malapit sa Dios. Gayon ma'y kung kayo'y hindi magiingat, ang salapi ay makapaglalayo sa inyo sa Dios.
H1. Unawain ninyo na ang Dios ay may kapangyarihan, may nasa, at may pangako na magkaloob ng mga pangangailangan ng Kaniyang masunuring mga anak. Huwag ninyong ibigin ang salapi (Mga Awit 62:10), ni ilagak man ang inyong puso sa salapi (Mateo 6:21; Colosas 3:1-2), at huwag kayong mangabalisa tungkol sa salapi (Mateo 6:25-34).
H2. Ang Dios ang nagbibigay ng kayamanan (Deuteronomio 8:18; Mga Kawikaan 10:22; 22:4; Malakias 3:10-12). Kaya't hindi natin kailangang mangabalisa tungkol dito (Mateo 6:25-33). May nagsabi minsan na ang kayamanan ng isang tao ay masusukat sa kakauntian ng kaniyang mga nasa. Kung kayo'y hindi kinukulang ng anoman, kayo nga'y mayaman. Kung kayo'y may salaping nakalagak sa bangko, kayo'y lalong mayaman kay sa marami sa mga tao sa sanglibutan.
H3. Bagaman hindi masama ang magkaroon ng kayamanan (1 Timoteo 6:17; Job 42:10-12; Genesis 13:2,6; Mga Kawikaan 10:4; 14:24), ang kayamanan ay maaaring maging isang silo (Mga Hukom 8:24-27; Marcos 10:21-25). Hindi tayo dapat umibig sa salapi (1 Timoteo 6:10; 2 Timoteo 3:2; Roma 1:29), maging masakim (Mga Kawikaan 15:27; Lucas 12:15; 1 Pedro 5:2), ni tumiwala man sa ating mga kayamanan (Mga Awit 49:6; 52:7; Mga Kawikaan 11:28; 18:10-11; 30:8-9; Jeremias 9:23; Lucas 12:16-21), kundi tayo'y masiyahan (Hebreo 13:5). Talastasin ninyo na ang mayaman ay may hilig na maging pantas sa kaniyang sariling paningin (Mga Kawikaan 28:11). Huwag kayong magkaroon ng makasariling hangarin (Galacia 5:26; Filipos 2:3; Santiago 3:14-16).
H4. Tayo'y dapat magimpok ng mga kayamanan sa langit (Mateo 6:19-21,24; 19:23; Lucas 12:15-21; 1 Timoteo 6:19; Apocalipsis 3:11). Huwag kayong matakot na mawalan ng inyong mga kayamanan sa lupa dahil sa Dios (Hebreo 10:34; Mateo 6:19-21; Lucas 12:15-18,33-34; Mga Gawa 4:32-37).
H5. Huwag ninyong kainggitan ang iba, o yaong mga may higit na tinatangkilik. (Magkano kaya ang halaga ng bilyonaryong … sa panahong ito?) (Mga Awit 73:2-17; Mga Kawikaan 23:17; Mga Awit 37:1; Roma 7:7-12; 1 Corinto 13:4). Sapagka't “ang kapanaghilian ay kabulukan ng mga buto” (Mga Kawikaan 14:30), at “ang paninibugho ay pumapatay sa mangmang” (Job 5:2). Huwag ninyong pagnasaan ang tinatangkilik ng iba (Exodo 20:17; Deuteronomio 5:21; Roma 7:7-12). Huwag ninyong tingnan ang kapuwa ayon lamang sa pakinabang na salapi na maidudulot niya sa inyo (Mga Kawikaan 6:26). Hindi lamang ang mayayaman ang dapat magingat laban sa pagibig sa salapi. Gaya ng sinabi ni J. C. Ryle, “Maaaring ibigin ng tao ang salapi kahit wala siya nito, at maaaring magkaroon siya ng salapi nang hindi niya ito iniibig.”
Walang masama ni kahiyahiya sa pagkita ng maraming salapi, nguni't kahiyahiya ang kumita ng salapi sa pamamagitan ng krimen o ng pagnanakaw sa kapuwa. Ang ilang masasamang tao ay yumayaman sa ganitong paraan, nabubuhay nang mahaba, at namamatay nang walang anomang masamang ibinunga. Gayon ma'y hindi natin sila dapat kainggitan; at hindi natin sila kaiinggitan kung ating kikilalanin ang kanilang huling kahihinatnan.
H6. Dapat nating pahalagahan ang karunungan nang higit kay sa kayamanan (Mga Kawikaan 3:14-15; 16:16; 20:15; Mga Awit 37:16). Dapat nating ipalagay na mahalaga ang mabuting pangalan nang higit kay sa kayamanan (Mga Kawikaan 22:1), yamang ating nauunawa kung gaano kapanandalian ang kayamanan (Mga Kawikaan 11:4,18; 23:5; 1 Timoteo 6:7). Tulad ng isang lupaing may nakabaong mga diamante, tayo'y maaaring walang gaanong kagandahan sa labas, nguni't ang Dios ay nagiimpok ng isang mahalagang kayamanan sa loob natin. Kilalanin ninyo na ang kaunti na may pagibig at may takot sa Panginoon ay maigi kay sa marami na may pagtatanim at pagtatalo (Mga Kawikaan 15:16-17; 17:1; 19:1).
Ilan kaya, sa inyong palagay, ang mga bantog na artista ng pelikula sa sanglibutan sa panahong ito? Marahil ay nasasalalay ito sa inyong pamantayan kung sino ang matatawag na bantog na artista. Aking ipinahahayag na ang bawa't tao sa sanglibutan ay isang artista ng pelikula. Sinasabi ng Apocalipsis na ang ating mga gawa ay nangasusulat sa isang aklat, nguni't marahil ay maaaring ito'y isang pelikula. Ang Dios, ang mga anghel, at ang mga demonio ay nakapanonood ng ating “pelikula” tungkol sa ating ginagawa ngayon, at marahil ay makikilala rin ito ng mga tao sa langit sa panahong darating. Kaya't kung inyong iniisip na gawin ang isang bagay, o hindi gawin ang isang bagay, ay itanong ninyo sa inyong sarili, “Ibig ko bagang mapasama ito sa aking pelikula upang makita ng iba?”
H7. Huwag ninyong dayain ang inyong sarili, na inaakalang mabibili ng inyong salapi ang anomang may walang hanggang halaga (Mateo 16:26; Marcos 8:37; Mga Gawa 8:20-21; Mga Awit 50:9-12; Mikas 6:6-8). Kaya't bagaman ang kayamanan ay walang halagang walang hanggan, ay magagamit natin ang kayamanan sa buhay na ito upang mamuhunan sa kaharian ng Dios, na siyang may halagang walang hanggan.
Ang dakilang manunulat na Cristiano na si A. W. Tozer ay nagsabi, “Ang pagkapit na mapagangkin sa mga bagay … ay kinakailangang bunutin sa ating mga kaluluwa nang may karahasan, gaya ng pagtataboy ni Cristo sa mga mamamalit ng salapi mula sa templo.”
Hindi lamang ang ginagawa natin sa ating salapi ang pinakaiintindi ng Dios, kundi pati naman kung paano natin ito tinamo.
I1. Huwag kayong magnakaw (kasama ang labag sa batas na pagkopya ng mga programang pangkompyuter at ng mga palabas) (Exodo 20:15; Deuteronomio 5:19; 1 Corinto 5:10-11; Efeso 4:28; Tito 2:10; Mateo 15:19; 1 Pedro 4:15). Huwag kayong magkaroon ni magtago man ng kayamanang tinamo sa kasamaan (Mga Kawikaan 1:13,14,19; 10:2). Kung kayo'y nagnakaw, nandaya, o gumawa ng kamalian, ay magsauli kayo (Exodo 22:3-15; Mga Bilang 5:5-8; Lucas 19:8). Ang pagnanakaw sa loob ng iglesia ay hindi kukulangin sa kasingtanda ng paghahayag ni Policarpo sa madla tungkol sa matandang si Valens (Sulat ni Policarpo sa mga Taga Filipos 11:1-4, p. 35, 100-155 A.D.). Bagaman hindi tayo dapat magtaka rito, ay hindi natin ito dapat pahintulutan, at dapat nating alisin yaong mga gumagawa nito.
I2. Bayaran ninyo sa iba ang inyong utang (Mga Awit 37:21; Roma 13:8a; Santiago 5:4), at bayaran ninyo sila nang walang pagluluwat (Levitico 19:13; Deuteronomio 24:15). Bayaran ninyo ang inyong mga buwis (Mateo 22:21; 17:24-27; Marcos 12:17; Lucas 20:25; Roma 13:6), at ang anomang ipinasiya ng hukuman (Exodo 21:22).
I3. Huwag ninyong pighatiin ang dukha ni gamitin man nang di matuwid ang mga hukuman laban sa kanila, kung ito'y nasa inyong kapangyarihan dahil sa kayo'y mayaman (Mga Kawikaan 14:31; 22:22-23; 24:28; Santiago 2:6; Ezekiel 22:7,13,29; 45:9; 1 Mga Hari 21:1-15). (Kataka-taka man, ang isang tao o isang bansa ay maaaring magpakita ng anyo ng kagandahang-loob sa dukha, at gayon ma'y pinipighati sila sa gayon ding panahon.) Bagkus ay dapat nating ipagtanggol ang mga pinipighati (Jeremias 7:6; 22:16; Isaias 1:17; 58:6), lalong lalo na ang mga bao at mga ulila (Exodo 22:22; Santiago 1:27). Sa halimbawa, nang unang panahon ang mga minero ay pinasasahod ng kompanya, at walang ibang tindahan sa palibot liban sa pagaari ng kompanya, na naniningil ng anomang halagang ibigin nito. May isang awit ng mga minero na nagsasaysay tungkol sa pagkakaipagbili ng kaluluwa “sa tindahan ng kompanya.”
I4. Dapat nating kapootan ang pagtanggap ng suhol (Mga Kawikaan 15:27; 17:23; Mga Awit 15:5; Exodo 23:8; Deuteronomio 16:19; Eclesiastes 7:7; 1 Samuel 12:3; Isaias 1:23; Amos 5:12; 2 Cronica 19:7), sapagka't maaaring sirain nito ang ating mga puso (Deuteronomio 16:19; Mga Kawikaan 15:27; 28:16; Mga Awit 15:5; Eclesiastes 7:7; Isaias 5:23; 1 Samuel 8:3).
I5. Huwag ninyong angkinin ang lupang hindi inyo (Deuteronomio 19:14; 27:17; Mga Kawikaan 22:28; 23:10; Job 24:2) o ang iba pang mahahalagang bagay (Josue 7:1,20-24).
I6. Huwag kayong magsinungaling tungkol sa inyong ibinibigay (Mga Gawa 5:1-11), ni maghambog man tungkol sa hindi ninyo ibinibigay (Mga Kawikaan 25:14).
I7. Kayo'y maging tapat at mabait sa paggamit ng salapi ng Panginoon (2 Mga Hari 12:4-16; Nehemias 13:4-13). Iwasan ninyo maging ang anyo ng kalikuan sa pananalapi (2 Corinto 8:18-21; 1 Tesalonica 5:22).
Walang karo ng patay na may hinihilang kariton ng mga ariarian. Pagka kayo'y namatay, ang mahalaga ay hindi ang salaping inyong tinamo; kundi ang inyong ibinigay.
G1. Huwag kayong maging maramot (Mga Kawikaan 28:22; 2 Corinto 9:6); bagkus ay magbigay kayo nang may kagalakan (2 Corinto 9:7). Tinitimbang ng Dios ang pagbibigay ayon sa inyong tinatangkilik (Marcos 12:42-43; Lucas 21:2-3) at ayon sa halagang inyong ipinagbabata (2 Samuel 24:21-24). Ang ikasangpung bahagi at ang iba pang mga handog ay iniutos sa Matandang Tipan. Tayo'y may kalayaang magbigay sa Bagong Tipan, nguni't dapat tayong magbigay nang higit, at hindi kulang. Bagaman tayo'y nagsisipaglingkod na “sa panibagong espiritu, at hindi sa karatihan ng sulat” (Roma 7:6), at ang ikasangpung bahagi ay nauukol sa sulat, gayon ma'y hanggang ngayon ang ikasangpung bahagi ay siya pa ring pamantayan ng pagkamapagbigay. Kung ang ikasangpung bahagi lamang ang inyong ibinibigay, ay hindi kayo nakahihigit sa iniutos na kahilingan sa mga mananampalataya sa Matandang Tipan.
G2. Dapat tayong magbigay nang sagana sa mga dukha, bagaman ito'y dapat gawin nang walang pagpaparangalan (Mga Kawikaan 11:24-25; 14:21; 29:7; 31:9,20; 19:17; 21:13; 22:9; Mga Awit 41:1; Isaias 58:7-8,10; Jeremias 5:28; 22:16; Mateo 6:2-4; 19:21; Lucas 14:13; Mga Gawa 9:36; 10:4; 24:17; Roma 15:26; Galacia 2:10; Efeso 4:28; 1 Timoteo 6:18-19; Santiago 2:15-16). Huwag ninyong hamakin ang dukha (Mga Kawikaan 22:2).
G3. Lalong lalo nang dapat nating tulungan ang mga bao at mga ulila (Santiago 1:27; 1 Timoteo 5:3; Deuteronomio 15:11; Mga Awit 68:5; Job 29:12-13), ang ibang mga mananampalataya (1 Juan 3:17-19; Mga Gawa 4:32-35), at ang mga may sakit, nagugutom, hubad, at nangabibilanggo (Mateo 25:34-46; Zacarias 7:9-10).
G4. Huwag kayong magbigay ng salapi sa mangmang (Mga Kawikaan 17:16), ni tumulong man sa mga ayaw gumawa (2 Tesalonica 3:6-15); gayon ma'y huwag ninyo silang hamakin, at tulungan ninyo sila kung sila'y magsisi (Lucas 15:18-30). Huwag kayong maging tamad (Mga Kawikaan 6:6-11; 10:26; 12:24-27; 13:4; 15:19; 18:9; 19:15,24; 20:4; 22:13; 24:30-34; 26:13-16; Eclesiastes 10:18).
G5. Dapat tayong magbigay sa gawain ng Panginoon (2 Corinto 8:1-8; 9:6-11; Mga Kawikaan 3:9,10; 11:24; 1 Corinto 16:2; Tito 3:13). Gayon ma'y dapat ninyong igalang ang bahay ng Dios (Malakias 1:10-14), makipagkasundo kayo sa iba (Mateo 5:23-24), at huwag kayong maghandog ng kaloob na tinamo sa kasamaan (Deuteronomio 23:18; Mga Kawikaan 10:2).
G6. Anomang ating ibinibigay ay walang kabuluhan kung ihahambing sa ibinigay na at ibibigay pa sa atin ng Dios (1 Pedro 1:4,7-9; Roma 8:18; Lucas 12:33).
G7. Huwag kayong tumanggap ng salapi mula sa mga hindi sumasampalataya para sa gawain ng Dios (3 Juan 7). Gayon ma'y hindi masama ang magbayad sa mga hindi sumasampalataya dahil sa kanilang paggawa (1 Mga Hari 5:3-18). Humanap kayo ng pagkakataon upang gantihan ang kagandahang-loob ng iba (2 Samuel 9:1; Esther 6:1-4), gayon ma'y huwag ninyong asahang kayo'y gagantihan dito sa lupa (Lucas 6:30,34-35).
Ang isang tao ay maaaring mag-atubiling magbigay nang may pagpapakasakit mula sa kaniyang sariling salapi. Nguni't ang tao ring iyon ay hindi mahihirapan nang gayon sa pagbibigay ng salapi ng iba! Unawain ninyo na ang pagsuko ng inyong buhay sa Dios ay nangangahulugan na Siya'y magiging Panginoon ng inyong buong buhay, pati ng inyong pananalapi. Kaya't isuko rin ninyo sa Kaniya ang inyong salapi. Kung magkagayo'y, sa isang diwa, ay wala na kayong salapi; nawala na sa inyo ang lahat sapagka't kusang-loob ninyong ibinigay ito sa Dios. Kaya't hindi kayo dapat mag-atubiling ibigay ang inyong sariling salapi, sapagka't hindi na ito inyong salapi! Narito ang sinasabi ng Biblia tungkol sa inyong kayamanan na hindi sa inyo.
N1. Dapat nating kilalanin na ang lahat ng kayamanan ay sa Dios sa kahulihulihan (Mga Awit 24:1; 50:9-12; Exodo 19:5).
N2. Ang Dios ay namuhunan sa atin. Gaya ng ipinakikilala ng talinghaga ng mga talento, ang Dios ay nagkaloob sa ating lahat ng mga talento at mga kayamanan, at Kaniyang hinihintay ang tubo ng Kaniyang puhunan (Mateo 25:14-30; Lucas 19:11-27).
N3. Ang pagbibigay sa Dios ay hindi kusang pagpipilian lamang, kundi iniuutos sa mga mananampalataya (Malakias 3:10-12). Ang pagbibigay sa dukha ay hindi rin kusang pagpipilian lamang (Mga Kawikaan 21:13; 1 Juan 3:17).
N4. Bilang mga Cristiano tayo'y hindi nagbibigay dahil sa pilit (2 Corinto 9:7), kundi tayo'y may kalayaang magbigay sa Dios ng bahagi, o ng lahat. Huwag lamang kayong magsinungaling tungkol sa inyong ipinangako (Mga Gawa 5:2,4,7).
N5. Hindi masama ang magkaroon ng sariling ariarian (2 Timoteo 4:13), nguni't ang pagkakaroon ng lahat ng bagay na sama-sama ay totoong mabuti rin naman (Mga Gawa 4:32).
N6. Dapat nating ipagkaloob ang mga pangangailangan ng ating sambahayan (1 Timoteo 5:4,8; Mga Kawikaan 31:13-15; Marcos 7:10-13; Lucas 15:18-30).
N7. Datapuwa't ang lahat ng mga mananampalataya ay ating mga kapatid na lalake at babae. Hindi ibig ng Dios na “ang mga iba ay magaanan at kayo'y mabigatan,” kundi magkaroon ng pagkakapantaypantay (2 Corinto 8:13).
Gaya ng sinabi ni W. Graham Scroggie, “May dalawang paraan ng pagtingin ng isang Cristiano sa kaniyang salapi – ‘Gaano karami sa aking salapi ang gagamitin ko para sa Dios?’ o ‘Gaano karami sa salapi ng Dios ang gagamitin ko para sa aking sarili?’”
Ang pagbibigay nang sagana ay hindi sapat upang tuparin ang ibig ng Dios para sa atin; ibig din Niya na tayo'y magbigay nang may karunungan.
W1. Dapat nating tustusan ang ating sariling mga pangangailangan sa araw-araw (Tito 3:14). Ang mga ministro ng Dios ay karapatdapat sa kanilang upa at sa ating pagtangkilik (1 Corinto 9:4-12; 1 Timoteo 5:18; Galacia 6:6).
W2. Dapat tayong magbalak at magimpok para sa panahong darating (Mga Kawikaan 6:6-8; 10:5; 31:16; Tito 3:14), pati ng mana para sa ating mga anak (Mga Kawikaan 13:22; 17:2; 19:14; Mga Awit 17:14). Dapat tayong magkaroon ng katimbangan sa pagitan ng paghahanap ng salapi para sa ating sambahayan, ng paghahanap ng salapi para sa ministerio ng Dios, at ng hindi pagubos ng lahat ng ating panahon sa pagkaabala sa salapi at sa mga puhunan.
W3. Hindi tayo dapat pumasok sa mga pangakong pananalapi nang walang pagbubulay (Mga Kawikaan 22:26-27; 6:2-3), ni maging mananagot man sa utang ng iba (Mga Kawikaan 6:1,3; 11:15; 17:18; 20:16; 27:13).
W4. Hindi natin dapat aksayahin ang ating kayamanan ni gamitin man ito sa pagkakasala (Mga Kawikaan 20:21; Santiago 5:5; Mateo 23:25; Amos 6:4-7). Dapat nating ingatan ang ating mga ariarian (Mga Kawikaan 12:10,11,27). Dapat nating maalaman ang kalagayan ng ating kayamanan, sapagka't ito'y maaaring mawala dahil sa kapabayaan (Mga Kawikaan 27:23-24). Talastasin ninyo na ang higit na kayamanan ay nangangahulugan ng higit na mga kabagabagan at mga ligalig. Sinasabi ng Mga Kawikaan 13:8, “Ang katubusan sa buhay ng tao ay siyang kaniyang mga kayamanan: nguni't ang dukha ay hindi nakikinig sa banta.”
W5. Magingat kayo sa panghihiram; unawain ninyo na “ang manghihiram ay alipin ng nagpapahiram” (Mga Kawikaan 22:7). Sa pangkalahatan ay dapat ninyong iwasan ang pagkakautang, at ang tao ay may lalong malaking kalayaan sa paglilingkod sa Panginoon kung siya'y walang utang. Ang pangmatagalang utang sa tarheta ng kredito, o ang anomang utang na may patubong labinglimang bahagdan, labingwalong bahagdan, o higit pa, ay lalong kamangmangan. Ang Mga Kawikaan 22:1,2,4,7,9,16,22-23,26-29 ay pawang nauukol sa salapi at kayamanan.
W6. Magingat kayo sa pagtanggap ng mga kaloob na ibinigay nang may kabigatan ng loob (Mga Kawikaan 23:6-8). Madalas na ang mga kaloob ay may kalakip na kondisyong hayag o lihim. Ang pagbibigay ng kaloob (sa marapat na paraan) ay maaaring may pakinabang sa nagbibigay (Mga Kawikaan 19:6; 21:14).
Tayo'y nagbibigay sa mga banal na manggagawang buong panahong naglilingkod at sa bayan ng Panginoon (1 Corinto 9:7-14).
W7. Kayo'y maging marunong: maraming tao ang mapanlinlang (Mga Kawikaan 20:14), gumagamit ng suhol (Mga Kawikaan 17:8), o di tapat sa pananalapi (Mga Kawikaan 20:17; Santiago 5:4). Ang ilan ay sumasalansang sa evangelio pangunahin na dahil sa salapi (Mga Gawa 19:24-28). Sa kasawiang-palad, ang ilang mapagpanggap ay nagnanais mangaral ng evangelio pangunahin na dahil sa salapi, gaya ng ginawa ni Simon na manggagaway sa Mga Gawa 8:14-24. Ipinahahayag ng kasaysayan ng iglesia bago ang Konsilyo sa Nicea na si Simon ay nagpasimula pagkatapos ng isang huwad na pananampalataya. (Unang Apolohiya ni Justino Martir (c. 150 A.D.) kap. 26 p. 171; Ireneo, Laban sa mga Erehiya (180-188 A.D.) aklat 3 kap. 4 p. 417; Clemente ng Alejandria (193-202 A.D.) Stromata aklat 2 kap. 11 p. 359; Tertuliano; at Hipolito.)
Pangwakas
Bilang mga Cristiano tayo'y tinawag upang magpunyagi, hindi upang gawin si Jesus na Panginoon ng isang bahagi ng ating buhay, kundi upang gawin si Jesus na Panginoon ng ating buong buhay, pati ng ating pananalapi. Huwag kayong manalangin sa Dios kung paano kayo magiging mabuti at mapagbigay na katiwala ng “inyong” salapi, kundi makipagusap kayo sa Kaniya na tumatahan sa inyo kung paano gagamitin nang lalong mabuti ang “ating” salapi.
Mga Aklat na Iminumungkahing Basahin
Para sa mga nangangailangan ng balak upang makalaya sa pagkaalipin sa utang, ang isang mainam na aklat ay ang Breaking Out of Plastic Prison nina James D. Dean at Charles W. Morris.
Si Dave Ramsey ay may isang aklat na kinikilala ng marami, ang The Total Money Makeover, at mga aralin sa panooring pelikula sa isang palatuntunang tinatawag na Financial Peace University. Makikita ninyo ang mga ito sa http://www.daveramsey.com/home/
The New Master Your Money nina Jeremy White, Ron Blue, at Chuck Swindoll. Surviving Financial Meltdown: Confident Decisions in an Uncertain World nina Ron Blue at Jeremy L. White.
Generous Living: Finding Contentment Through Giving nina Ron Blue at Jodie Berndt
HELP! I'm Drowning in Debt nina Ron Blue at Bill Maier
Para sa karagdagang kaalaman, tingnan ang www.biblequery.org
ni Steven M. Morrison, PhD.